DISCOVER

ANO BA ANG VASECTOMY?

Ano nga ba ang Vasectomy?

Sa panahon ngayon, marami na ang mga mag asawa na naghahanap ng mas effective na paraan ng pagpaplano ng pamilya o tinatawag nating Family Planning. Isa sa mga opsyon na ito ay ang tinatawag na vasectomy! Ito ay isang simpleng operasyon na gumagawa ng permanenteng pagpipigil ng pagdaan ng sperm sa isang lalaki. Ano nga ba ito at paano ito ginagawa? Alamin natin ang mahahalagang impormasyon tungkol sa vasectomy!

Ang vasectomy ay isang permanenteng paraan ng pagpipigil ng pagbubuntis, na iginagawa sa mga lalaki. Sa pamamagitan nito, pinipigilan ang semilya (sperm) na makarating sa tamod (semen) na inilalabas sa tuwing nakikipagtalik. Dahil dito, hindi na makakabubuntis ang isang lalaki. Pero kahit na ito ay isang operasyong na nagdudulot ng permanenteng epekto, hindiito nakakaapekto sa kakayahang makipagtalik o nagdudulot ng negatibong performance sa pakikipagtalik. Ang naging pagbabago lamang nito ay hindi na naglalaman ng semilyaang inilalabas na tamod.

Paano ba ginagawa ang Vasectomy?

Ang vasectomy ay isang simpleng operasyon na kadalasang tumatagal lamang ng 30 na minuto. Isinasagawa ito sa ilalim ng local anesthesia (pangpatanggal ng sakit), kaya hindi kinakailangang manatili sa ospital nang matagal. Ito ang proseso:

Paghahanda – Nililinis ang bahagi ng bayag (scrotum) at binibigyan ng lokal na pampamanhid.

Pagputol ng Vas Deferens – Gumagawa ng maliit na hiwa o butas sa balat ng bayag upang maabot ang vas deferens, ang tubo na nagdadala ng semilya mula sa itlog patungo sa tamod.

Pagharang sa Semilya – Piniputol, itinatali, o sinusunog ang vas deferens upang hindi na makadaan ang semilya.

Pagsasara – Minsan ay hindi na kinakailangang tahiin ang hiwa, dahil kusa itong gagaling.

Pagkatapos ng operasyon, kinakailangan ng dalawa o tatlong araw na pahinga, at maaaring bumalik sa normal na gawain makalipas ng isang linggo. Mahalagang tandaan na hindi agad epektibo ang vasectomy. Kailangang hintayin ang tatlong buwan at magsagawa ng pagchecheck ng semilya upang matiyak na wala nang semilya sa tamod.

Dapat Bang I-consider ang Vasectomy?

Ang vasectomy ay isang ligtas, mabilis, non-invasive (hindi nangangailangan ng malalaking hiwa o matinding operasyon sa katawan), epektibo, at praktikal na paraan ng permanenteng pagpipigil ng pagbubuntis. Gayunpaman, dahil ito ay hindi na mababaligtad o reversible sa karamihan ng kaso, mahalagang pag-isipan ito nang mabuti at kumonsulta sa doktor bago magdesisyon.

Sa tamang impormasyon at gabay mula sa mga propesyonal na healthcare providers, maaaring maging isang responsableng hakbang ang vasectomy sa pagpaplano ng pamilya at pagkamit ng mas maayos na kinabukasan para sa mag-asawa!

SULAT NI JUSTIN SY

Read the next article: